Abot-kamay na rin po ang kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit ng hidwaan. Nitong Oktubre po ng nakaraang taon nilagdaan ang Framework Agreement on the Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang ang nakakalipas mula nang lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan. Kumpiyansa po tayong masusundan pa ito ng mas magandang balita sa lalong madaling panahon. Tiyak kong mulat ang lahat: Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti na lamang talaga at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang magkabilang panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung magpapadaan tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating bibitawan ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa lahat. Ang bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring itaga sa bato, at hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman ng kasaysayan. Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita, kaya't sinasabi ko sa mga kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang mapagkasunduan natin ay ipapatupad ng pambansang gobyerno.
Kailangan ng tiwala sa usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang magkaroon ng tiwala, dahil na rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon, talagang dama natin na gustong makipagkasundo ng magkabilang panig, at tayo naman ay nagpapakita na dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa mga pumipigil sa pagkakaroon ng tiwala at naghahasik ng pagdududa: masasabi mo bang Pilipino kang may malasakit sa kapwa Pilipino? Umaasa po ako sa pakikiambag ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa Bangsamoro; patunayan po nating ang Pilipino, may malasakit sa kapwa Pilipino. Ipakita po natin sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa direksyon ng kapayapaan; ipamalas natin ang lakas ng buong bansa upang iangat ang mga probinsya sa Muslim Mindanao, na kabilang sa mga pinakamaralita nating mga lalawigan. Tagumpay ng lahat ang ating hangarin; hindi tayo papayag na may kababayan tayong mapapag-iwanan habang may ibang nakakalamang. Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo na po ang Transition Commission na gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Tatapusin ito alinsunod sa mga prinsipyo ng komprehensibong kasunduan para sa kapayapaan; maipasa po sana ninyo ito bago matapos ang 2014. Sa gayong paraan, may sapat tayong panahon para makapaghanda sa paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro sa 2016.
No comments:
Post a Comment